Posted by: twistedbarrio | October 17, 2021

Lamat

Wala siyang saplot.

Nababalutan lamang s’ya ng hanging inuubos niya sa pagsinghot lalu’t pilit n’yang hinahabol ang hininga habang sinusuyod ng paa ang palayang ilang semestre n’ya nang kinalimutang takbuhan.

Kinakapos s’ya ng hininga.

Dito n’ya unang nakasama si Rima…wala pa silang muwang noon sa mundo ng minsan niyaya n’ya silang lahat doon para umakyat sa mga ‘di batibot na sanga ng mga puno ng mangga.

Sakto pa’t akmang hitik sa bunga noon ang hugis tinidor na punong bagamat ‘di pinakamalaki’y s’ya namang pinakamayabong.

Kahit pa hantikin sila noon sa paa habang nagpapatuyo, tuwina pa ring napapalamutian ang lilim ng puno ng tila ‘di mapapatid na halakhakan ng mga tila ‘di tatandang mga kabataan.

Humahalik na no’n ang huling silahis ng araw at palamlam ang ingay ng biglang inantok na mga kasamahang pilyo. Siya?…hayun nakatayo..nakatalikod sa kakagawa lang niyang apoy, pinagliliyaban ang mga sanga’t tuyong dahong iwinasiwas pababa ng malalamig na hangin ng umaga ng araw na yaon.

Balot s’ya ng tuwalya, na kahit tuyo na ang ulo’y nililibot pa rin nito ang katawan dahil sadyang mahamog at kapit pa rin sa bawat sinulid ng tela ng maong nya’t kamisa ang basa.

Pumikit s’ya, tila mas piniling imulat ‘pag tuluyang pagpanaw ng araw, pero hindi. Naro’n si Rima, sa likod niya’t lalung pinagaganda ng naglalabang liwanag ng buwan, araw at apoy sa kanilang pagitan.

Kung makakapagsalita lamang ang araw, sasabihin nitong umiiyak ang lalake pero pabulong na binubulyawan si Rima. Matapang ang asta ni Rima, tila ‘di patitinag habang nauubusan ng maibabato ang lalaki.

Napatid s’ya’t humampas ang katawan sa lupa matapos dumaan sa ulirat ang tagpong ilang taon nang nakalipas…..naghihilamos na s’ya sa sarili niyang luha at hindi niya sukat maisip kung bakit nagkaganoon.

“Intindihin mo naman ako…”, umaalingawngaw ang sinabing iyon ni Rima.

Sa isang kisap, sinama ng araw sa paglubog nito ang astang mapagmataas ni Rima….

“Hindi nga kita maintindihan….”, aniya.

“Tama na…tama naaaaah!!!”, unang bumagsak sa lupa si Rima…sumunod siya…pareho silang nakaluhod..magkaharap, tuyo na sa pagkakabasa ng batis na pinaliguan nila limang oras na ang nakalipas….

Salamat sa apoy na pumagitan sa kanila na ngayo’y lumalamlam na’t paharap sa t’yak nitong kamatayan. Tahimik na, kahit narinig sila ng mga kaibigang pinili na lamang makinig. Tumayo siya, sumalok ng balde ng tubig at bumalik.

Sa harap ng sumisinghap-singhap na kaibigan…winika niya sabay alay ng palad; “Tumayo ka na’t matulog ka dun…susunduin ka na n’ya bukas.” Di na siya nito hinawakan pa, ni tiningnan….lumayo s’yang nakatuwid lumakad. Di na n’ya naibuhos pa ang tubig.

Limang taon bago niya napatay ang baga. Ngayon…doon muna s’ya uli magpapalipas ng gabi.

Nakakatuwang isipin, tubig ang pumapatay sa apoy na kayang patuyuin ang gadagat na tubig.

____________________________________

Ang larawan at teksto ay hango sa PURGED, ang opisyal na newsletter ng UP ALCHEMES.

Ang larawan ay hango sa literaturang may pamagat na “Phonecall Bago Mag-134”, nilimbag noong 18 March 2004 samantalang ang teksto na may pamagat na “Lamat” ay nilimbag noong 15 January 2004.

Pareho itong sinulat ng may-akda, na minsang gumamit ng pseudonym o alias na Warren Worthington III.


Leave a comment

Categories

une rêverie

a state of being pleasantly lost in one's thoughts; a daydream.